top of page

Opinyon

Multong Propesor

Ni: Baltazar Alvarez

      Ang bawat taong ipinapanganak sa mundo ay may kanya-kanyang responsibilidad. Upang mahubog ang kanyang pagkatao at maging kapakipakinabang sa ating komunidad, kailangan nitong mag-aral. Nagsisimulang matuto ang isang bata sa loob ng tahanan at ang pamilya ang una nitong gabay upang maging edukado. Pagkalipas ng ilang taon, kailangan ng batang ito na mas lalong matuto sa pamamagitan ng pag-aaral sa paaralan.

     

    Maraming mga guro ang gumaganap sa kanilang tungkulin na ibahagi sa kanilang mga estudyante ang kanilang karunungan at maging isang magandang modelo sa mga nakararami.

Sa aking obserbasyon sa magulong mundong ito, may mga propesor sa mga kolehiyo parin ang sadyang walang pakialam sa kanyang mga estudyante. Sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, bawat isa ay maagang pumapasok sa paaralan at sabik na matuto, mayroon pa ngang iba na nagtatrabaho na at pilit paring pumapasok kahit puyat upang makapagtapos, sa madaling sabi nais ng mga bata ang makatanggap ng karunungan sa mga propesor.  Ngunit bakit ang ilan sa kanila ay bilang sa ating mga daliri kung pumasok, isang beses sa isang linggo na nga lang sila kailangan pumasok pero wala talaga silang pakialam. Nakakalungkot isipin dahil sila ay tumatanggap ng pera mula sa gobyerno kapalit ng kanilang serbisyo. Pumapasok lamang sila upang magbigay ng pagsusulit sa mga bata. Kamang-manghang taktika nga naman, hindi sila napapagod sa perang kanilang kinikita.  

 

     Mahirap magbitaw ng pangalan dahil ako po ay kasulukuyang mag-aaral sa PUP at takot ako na baka matanggal sa unibersidad. Mayroon din akong propesor na kapag pumapasok, nagbibigay ito ng mga paksa upang i-report ng bawat grupo pagkatapos mawawala na naman siya sa susunod na mga araw. Isang kalabisan ang kanilang ginagawa. Hindi ko mawari kung paano nila ginagawa ang aming mga grado. Ano ito hulaan o roleta? Humanda kayo at kapag ako ay nakapagtapos, gagawa ako ng paraan upang maibahagi ng maayos ang aking sintimyento.

Ningning ng mga kababaihan tungo sa pagunlad

Ni: Hazel Gane Pilapil

 

                                     

                              

             Ang hirap talaga makamove on lalo na at nakagisnan mo na ang bagay na dapat sana’y parte nalang ng kasaysayan.Kapag tumimo at kabuhol na ito ng iyong kamalayan kasama na ang lipunang ginagalawan mo,ang hirap tanggapin ng pagbabago.Pero alam ko nalilito ka na sa mga pinagsasabi ko dahil hindi mo magets ang punto de vista ko pero ito,sasabihin ko na talaga.Partikular na kapag nabungaran natin ang kalakaran sa pagitan ng tinatamasang karapatan sa pagitan ng babae at lalaki na sa tingin natin nung mga bata pa tayo at hindi pa mulat ay okay lang.Nakakalungkot tanawin mapa-TV man o sa mga nababasa natin sa libro kung paano maltratuhin ang babae sa ibang bansa kabilang na sa middle east na malakas makaimpluwensya ang kultura,sa mga maliliit na isyung hindi mo namamalayang nararanasan mo na pala katulad ng mahina ang babae at malakas ang lalake.Na dapat ang babae ang gumagawa ng gawaing bahay at ang lalake ang magtataguyod ng pamilya, na hindi pwedeng magtrabaho ang mga buntis na may kagustuhang magbanat ng buto.At wala na akong maisip na halimbawa sa sobrang pakikisimpatya ko sa mga katulad ko.Pero simula palang yan ng mga pinagsusulat ko at alam kong nagloloading pa rin ang mga kukote niyo sa kung ano ba tong ipinaglalaban ko.Pero alam mo ba,nakakaproud maging babae?Lalo’t ang laki pala ng kontribusyon namin sa pangaraw-araw na pamumuhay niyo?

           Bantog na ang karamihan sa mga babae ngayon, at hindi na bago sa isipan natin iyon(wala lang!I’ll just informing you noh?).Mapanobel prize man,pagiging atleta,pagiging dalubhasang manggagamot,pagiging kilala sa mundo ng siyentipiko,mga nalampasan ang pagsubok sa pagakyat sa bundok,mga namuno hawak ang isang bansa, at kung ano- ano pang pwedeng maipagmamalaki.Sa henerasyon ngayon sa nakikita ko,wala na ata akong makita sa pagkakaiba ng lalake sa babae eh,maliban nalang sa (pero ayoko talagang maging pilosopo).Lalo na sa pautakan,laging nangunguna ang mga babae at huling huli ang mga lalake(sexist na ata ako),pero nakakaproud talaga.Sa tuwing nakakarinig ako ng mga ganitong klaseng balita,sa internet man o sa tv,talaga namang ang laki ng inambag sa motibasyon ko sa pagtahak ng landas.Lalong lalo na pag umarangkada na sa TV ang mga idolo kong mamamahayag na sina Karen Davila,Korina Sanchez at Jessica Soho,ang tindi ng impluwensya nila sa pagkatao ko, at naisip ko ,kayang kaya naman palang gawin ng mga babae ang gawain ng mga lalake.

      Sa pagmumuni-muni ko minsan, ang lakas makahatak ng kultura sa  pagiging stereo type ng isang tao,kung ano-ano ang mga naiisip ko sa ideolohiyang ano ba talaga ang dapat gawin ng mga babae upang ipamukha sa lahat na hindi kami mahina at walang silbi sa lipunan?kailangan ba dapat ipamukha natin ito sa ginagalawang lipunan para lamang matugunan ang aming mga karapatan?

                  Totoo nga atang sa paglalakad-lakad,hindi maaaring wala kang matutunan o makuhang kaalaman dito.Nakita ko misan,nang ako ay mapadako sa isang eskinita sa maynila,may nakita akong babaing litaw na halos ang dibdib dahil sa paglalaba,habang ginugulo siya ng dalawang anak,at umuusok na ang kanyang sinasaing sa kalan na nasa labas ng kanilang tahanan,ngunit kamangha manghang wala kang mababasang pagsukong rumehistro sa maamo niyang mukha,sa halip ,wala siyang emosyon at matigas ang kanyang mukha,pinapakita lang noon na kaya niyang batahin ang anumang problema kahit na wala siyang katuwang sa buhay.Kahit pangkaraniwan lang ang tanawin na iyon para sa mga nagsisilakad at nagsisiraan,doon palang,nagawa noong pataasin ang pride ko bilang isang babae.Kahit sa simpleng bagay lang na nakita ko sa kanya bilang isang may bahay,mahirap iyong gawin para sa mga lalake kaakibat ang di nawawalang pag asa sa mukha.Ang laki-laki ng silbing ipinakita niya sa lipunan .  

                    Sa seminar na pinuntahan ko noong ako’y nagaaral pa sa University of Makati,ang ganda ng topic na iyon para mamulat ang mga kabataang katulad namin.Ito ay tumatalakay sa Gender Inequality.Pero napansin ko na halos pulos sa mga kababaihan ang isyung nababanggit sa pulong na iyon.Natakot talaga ako ng husto nang malaman ko na sa ibang bansa pala ay tinutuli ang mga babae sa pamamagitan ng pagputol sa kanilang clit.Ang bagay na iyon kasi ay simbolo ng kalibugan sa kanila at naniniwalang mawawalan sila ng silbi kapag naroon ang bagay na iyon habang sila ay nabubuhay.Nakakalungkot dahil kahit parte na siya ng kasaysayan,ang hirap makamove on.Nabanggit din roon na nagiging sex symbol na ang tingin sa karamihan sa amin ng mga kalalakihan.Hindi mo malaman kung sino talaga ang mali,ang pagsusuot namin ng fashionable o ang mga isipan nilang hindi na nakakatuwa?

           Sa mga nanay na kasa-kasama natin sa pang araw-araw, nakakataba ng puso na kahit pagalitan man nila tayo ng paulit-ulit,may lambing pa rin talagang pagkakaiba na mapapansin mo kapag kasama mo rin ang tatay mo.Nakadikit na talaga sa mga babae ang lambing na kayang magpawala sa pagod mo na natatanggap mosa araw-araw.Talento na ata yun ng mga babae,ang comformity na hindi lang nila basta-basta naibibigay,kundi the best pa!(aminado yung mga lalaking may-asawa).At kung wala ang mga kababaihan ay wala na ring kulay ang mundo.

           Sa mga simpleng bagay na natutuklasan natin sa labas,hindi natin maiwasang isuksok pa rin ang isyung sinasaklawan ng babae at lalaki,naging hininga na natin ito araw-araw,at ang masaklap pa rito,binabalewala natin ang mga nagagawa at naiaambag ng mga babae sa lipunan hindi dahil sa ito ay common kundi dahil sa babae kami.Pero maipapagmamalaki talaga ang mga babae mapanoon man o mapakasalukuyan,dahil ang mahirap sa paningin ng iba na gawin,ay maliit lang para sa amin.Hindi sa pagmamayabang kundi,dahil sa yakang yaka namin!

 

CM 20, bubukol ba sa progreso?

Ni: Hazel Gane Pilapil

Alinsabay sa K to 12 program na ipinasa ng Department of Education sa gabay na rin ng minamahal na pangulo, kasunod namang ikinasa ng Commission on Higher Education ang Ched memorandum no. 20 o sa malinaw na paglalahad, ang pagpapatanggal ng mga asignaturang may kaugnayan sa Filipino sa kolehiyo. Una na nilang katwiran, ang mga asignaturang may kaugnayan dito ay ipapalipat naman daw sa grade 11 at 12. Kaya kung mananatili pa rin ito sa kurikulum sa kolehiyo, dagdag pasakit na raw ito sa units na kinukuha ng mga magaaral. At kung mahahasa raw ang mga magaaral sa multilinggwal na lenggwahe, makakasabay na raw tayo sa pagiging “globally competitive”

Sa ibang karatig bansa.                 

           Sa mga naiulat na pahayag, malinaw na malinaw na ang mga kumokontrol sa atin ay nalalason sa kagat ng modernisasyon at malamang sa oo, produkto na sila ng panggagaya. Ngunit dahil sa may katatagan ang kanilang nanggigitatang paninindigan, matagumpay itong makalusot sa senado. Nakapanlulumong nakabanta na ang unti-unting paglalaho ng pagmamahal sa sariling kutura ng mga paparating na henerasyon at sa pagkawala na rin ng trabaho ng magigiting nating mga guro.

         Sa bansang Japan, kahit na may iniwang kasaysayan at hagupit ng alaala ang lahing iyon sa inang bayan, nakakainggit na matindi ang pagyakap nila sa kinikilalang wika at ang lumulukob na monolinggwalistik na komunikasyon. Nakapagtatakang kahit puro at mas higit ang pagmamahal nila sa kanilang wika, napakaunlad ng kanilang kultura. Kabilang sila sa mga industriyalisadong bansa. Maganda silang halimbawa para sa mga pilipino na tangkilikin at pahalagahan ang pagaaral ng wika. Sa ginawang ito ng administrasyon ni Aquino, higit na lalamunin ng mga pilipino ang kinagisnan ng ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapakabihasa sa salitang ingles at sa iba pang dayalekto.

 

      Malaki ang maapektuhan nito sa Pilipinas dahil una, ang mga nagpakadalubhasa sa pagtuturo ng pilipino ay iglap lamang at mawawalan ng trabaho. Karamihan sa atin ay pipiliing magpakasikat sa mga tanyag narin na mga bansa. Marami ang hindi magiging pamilyar sa panitikang Filipino at sa ginawang ito ng CM 20, mas mabubulagan at mas marami ang magpapabor sa sulatin at pelikula ng mga karatig bayan lalong-lalo na ang amerika. Nakikita kong sa pagpalasak ng mga panitikang Filipino, mangangamoy lang ito sa kanyang kinalalagyan. Mistula na itong lipas sa uso kahit bagong bago pa naman. Nakakalungkot na kulang sa talino ang mga opisyal ng pamahalaaan sa pagsasagawa ng mga batas na kagaya nito.

       Sa pagsasama-samang pagkilos ng mga guro’t magaaral, malabo na ang pagasang mababago pa ang mga nilikhang pasakit na ito at mula sa pagkakabangon ng pilipinas sa tulong ng mga bayaning ipinaglaban an gating kultura’t wika para sa kalayaan, unti-unti tayong lalagapak sa palugmok na kultura ng inang bayan.

 

Kritiko para sa "Heneral Luna"....

Pera o Dignidad?

Ni: Hazel Gane Pilapil

      Kaiba sa mga rebolusyonaryong pelikulang naisama sana ng ibat-ibangproduksyon, mukhang malayung-malayo ang narating ng pelikulang kilala sa katawagang “Heneral Luna”. Una ko itong nadinig sa mga estudyanteng halatang hindi pa magkandatuto sa pagkekwnto saan mang panig ng maynila. Mas lalo siguro itong tanyag sa mga karatig rural na may kasaysayan ng rebolusyon. Para sa unang papuri ng pag-aanalisa, bukod sa istrikto sa pagpapakalat ng kopya ng pelikulang ito at ekslusibo lang ito sa sinehan na mataas ang ibinabang bayad sa mga mag-aaral, hindi nasayang ang pinambayad mo at nais mong ulit-ulitin pa.

       Karaniwan na sa sinehan ang malamig at mala-high definition na lalo pang nakadagdag sa atmospera ng pelikula sa publiko, mahihimok kang sulyapan at sundan ang susunod na senaryo dahil una, pinagsama-sama ang mga artistang kilala sa kanilang magaling na pag-arte. Katulad nina John Arcilla na ibinagay sa kanyang postura at karakter ang palaban at astig na antagonista. Idinagdag pa ang makisig na actor na si Paolo Avelino na bihasa na sa pagsasadula ng kanyang mga diyalogo. Ang mga maaanghang at di makalimutang mga litanya ni John Arcilla bilang Heneral Luna ang nagpausbong at nagpaigting ng pagkapatriyotismo ng mga bagong henerasyon. Kahit pa itinuturing na pagbabalik-tanaw ang sigalot noon sapagitanngAmerikano at Pilipino, angpisikalnasinematograpiya at pinag-ganapanngpelikula ay matagumpay na nabuo ang kinakailangan ng mga nasa itaas.

                                                                                                             

          Sa mga nabanggit kong mga pahayag sa itaas na naglalaman halos ng mga papuri, alam niyo na siguro ang sagot kung ang tatanungin ay ang pag-arte ng mga aktor sa kanilang mga ganap. Masasabi kong nagawa nilang dalhin ang emosyon at impresyon ng mga manonood. Sa usapin ng nasyonalismo, natural na diyan ang sila ay namulat. Sunod na diyan ay may halong katatawanan. Tama, katulad namin, hindi namin inaasahan na may halong katatawanan ang ganapan sa loob ng eksena. Hindi ko masasabing lahat pero kung maliit lang na bahagi, nagiwan ito ng bakas sa mga manonood. Nakabisado ito ng ilan sa amin at marahil sa mga litanyang iyon ni heneral luna, presto, ang aktor na gumanap sa kanya ay sunod na ring sisikat. Napansin kong may pagka-modernisado ang karaniwan sa mga sinasaad ni luna dahilan para maging kaiba ito sa mga may ganoong klaseng pelikula. Karamihan kasi sa mga may ganoong klaseng pelikula at kinakailangang ganoon rin dapat magsalita ang mga karakter, masyadong nakakabagot panoorin. Dito mo mahahanapan ng “Uniqueness” na karaniwang hinahanap ng mga manonood sa pagpunta panaglit sa sine upang makatakas sa kabagutan at malibang.

Sa konseptong ginamit na pumapatungkol sa nasyonalismo, ang pagiging mabagsik, arogante at mayabang ni heneral luna ay nakatulong pa nga sa halip na kainisan. Pinapakita ang totoong katangian ng isang matapang na rebolusyonaryo na hindi mo papangahasang banggain at kalabanin. Nahanap kong ang mga kontrabida sa eksena ay natural sa kanilang pagiging mainisin at mahilig magplano laban sa bida, ngunit ang nakakatuwa ay mas lumalabas na sila ang nagagalit ni Luna. Sa mga nangyaring iyon, halos magsumigaw na ang mga manonood sa sobrang ganda ng palabas.

 

 

          Para sa kabuuan ng pagsasakritiko, masasabing rekomendadong panoorin ang ganitong klaseng pelikula o ekslusibo, ang “Heneral Luna”, dahil hindi lang siya ang nagpapabangon ng kultura ng mga Pilipino kundi nagpapausbong ito ng dagdag malasakit at pagmamahal sa bayan ng sambayanan. Sa panahon kasi kung saan moderno na ang lahat ng matatanaw mo, hindi na nababagay ang rebolusyonaryo, maliban nalang sa pagiging aktibista. Tinuruan ng pelikulang ito ang kamalayan ng bawat isa dahil nakadaragdag man sa ekonomiya ng bansa ang mga kapitalista kung nasasagasaan naman nito ang kalayaan at puri ng lahi. Katulad ng ipinakita sa pelikula, ang kalakalan o ang kalayaan, masidhing hinila ni Luna ang damdamin ng mga Pilipino sa pamamagitan ng malasakit sa bayan hindi lang sa kasilawan ng pera. Nakakaaliw panoorin ang pelikulang ito at ang matindi pa rito ay karapat-dapat itong makilala ng buong mundo.

 

                                Pangandoy: Adhikaing handog sa Lumad

Ni: Hazel Gane Pilapil

             Isang dokumentaryong nilikha ng isang pilipinong nanggaling pa sa amerika. Si Hiyasmin Saturay. Sa kanyang pagbisita sa talaingod upang kamustahin at masdan ang kagandahan ng lugar, nagresulta ito sa paggawa ng dokumentaryong umaayon sa kasalukuyang kalagayang dinaranas ng mga tribung nakatira roon, ang Manobo. Ang mga Manobo ay isa sa mga tribung parte ng lumad sa Southern,Mindanao at sila ang mga tampok sa loob ng istoryang sumasalamin sa pagpapahalaga sa kanilang edukasyon, kultura at kalikasan.

           Sa palabas na pinamagatang “Pangandoy”, di mo pa man masilayan ang nilalaman ng palabas, mahahalatang patungkol na ito sa mga tribung nakatira sa bundok dahil sa dayalektong ginamit rito. Lalong lalo na nang sinimulan na ang pag-ere nito at marinig ng manonood ang tunog sa likod nito. Mapapansin din na may pangalawang pamagat ng dayalogo na isinalin sa salitang ingles. Mapapalagay ka na naipalabas na ang dokumentaryong tinititigan mo sa labas ng bansa. Pagdating naman sa kalidad ng eksena o ang sinematograpiya, sapat na ito upang maintindihan ng mga tumutunghay. Hindi na kailangan pang suriin ang pamantayan ng kagandahan ng sinematograpiya dahil sa sakto ang kalinawan. Hindi nababagay kung masyadong malinaw ang mga eksena dahil ibinabagay ito sa konsepto ng dokumentaryo. Malinaw rin ang mga boses ng mga nagsasalita maliban nalang sa mga lenggwaheng kanilang ginagamit dahil nga sa hindi tagalog ang kanilang dayalekto. At dahil doon, nakatuon ang manonood sa pangalawang pamagat para sa lalong pagkakaunawa. Para sa pangkalahatan ng pisikal na pagkikritiko, maayos ang palabas at pwedeng pwede ng isabak sa paligsahan maparito o mapaibang- bansa.

     

       Sa nilalaman naman ng palabas, sa unang eksena, pinapakita ang paraan ng pamumuhay ng mga Manobo kasabay ng pakikipanayam sa mga guro at mga nakatataas ng nasabing tribu. Sinasabi nila kung paano tumatakbo ang pamumuhay ng mga manobo sa pang-araw araw, kung paano nila iniaasa ang kabuhayan sa kalikasan, kung gaano kahalaga sa kanila ang kultura, at lalong lalo na ang matuto kung paano magsulat at magbasa. Makikitang isinisentro ng kamera ang konsepto ng palabas sa mga paslit dahil ang edukasyon ng mga ito ang pinakaapektado sa lahat. Nabanggit rito kung paano nila isinakripisyong protektahan ang lupang pagmamay- ari laban sa mga kapitalista’t mga kompanyang nagnanais agawin ang kanilang ari-arian sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa ng kanilang kasaysayan.

        Kabilang na rito ang kanilang pagkakaisa laban sa alson’s company na nangakong bibigyan sila ng panibagong kabihasnan ngunit sa halip, sinira ang kanilang  mga tanim, pagpapatayo ng mga paaralan ng salugpongan ng Rural missionaries of the Philippines at Salugpongan ta tano igkanogon ng sa gayon ay alam ng mga manobo kung paano ipaglaban ang kanilang kapaligiran. Sa bahaging iyon ng palabas, matagumpay na nakuha ng direktor ang simpatya ng mga manonood para sa tribung dumaranas noon. Pagdating naman sa kalidad ng edukasyon ng mga bata, nakatutok ito sa kanilang kasaysayan at kultura na malayo ang pinagkaiba sa kalidad na tinatamasa ng mga nasa urban partikular na nga sa pagkatuto sa ingles. Narinig ko sa isinaad ni Hyacinth, isa sa mga gurong nagtuturo sa kanila, na ang nararapat ituro sa kanila ay may kaugnayan sa kanilang kapaligiran bilang ambag sa kanilang pagkatuto sa kabuhayan.

         Dahil sa sila’y nasa karatig Mindanao at nahahawig ang kanilang pananalita’t kasuotan sa kalaban ng pamahalaan o ang New people’s army, madalas silang magkaproblema pagdating sa pakikisama sa militar. Malaki ang naging dagok nito sa kanilang pamumuhay bilang isang tribu. Malawak ang naging epekto nito sa buong komunidad. Nahihikayat ang mga manonood na gumawa ng hakbang para sa kanilang kapakanan na siyang layunin ng palabas. Malakas magbigay ng motibasyon ang dokumentaryo pagdating sa paninindigan,pagkakaisa at pagmamalasakit sa kasalukuyang sitwasyon ng mga manobo dahilan para magsilbing aral ito upang ipagpatuloy ang motibasyong tulungan ang kapwa Pilipino at kalikasan. Karapat-dapat na imungkahing panoorin ang pangandoy sa pagpapaangat ng tagong kabihasnan saan mang karatig kultura.

 

 

 

 

 

© 2015 ANGULO nilikha ng mga magaaral ng unang taon ng peryodismo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas

  • Facebook Clean
  • Twitter Clean
  • Google+ Clean
bottom of page