top of page

Buhay PUPian


          Bukas papasok nanaman ako sa eskuwelahan. Panibagong gising ng maaga. Panibagong iskedyul. Panibagong patintero at habulan para makasakay ng dyip biyaheng "Stop and Shop". Panibagong pasensiya sa ibang isnaberong jeepney driver na kahit maluwag pa naman ayaw na magpasakay.Tapos trapik pa, yung totoo ako ba ay nasa EDSA? Pagkatapos lalakad o tatakbo papasok ng school area with tender loving care dahil baka masagi ka ng mga dumadaang kotse at pedicab sa mala-EDSAng Teresa. Klase na, lesson na, discussion na...blah blah blah...
          “Brainstorming” -Siguro may namuong low pressure area sa sobrang init ng classroom kaya ayun nag brainstorm na kami hahaha. Breaktime, merienda...lesson ulit. Tapos uwian...Tapos kakain kana sa mga sidewalk..o  kung matiyaga ka sa init ni Haring Araw pumunta ka sa main campus at maglakad papuntang canteen o sa ilalim ng dome kung saan maraming mabibiling pagkain. Yeah rak en rol. Sa pagkakaalam ko 35 pesos ang pinakamataas mong mabibili. May “FEWA” (Footlong with Egg Wrapped Around). May mga "Bentelog" . Alam natin ‘to mga PUPians!
          Hindi ako sanay ng ganito. Unang araw, unang lingo, masasabi ko talagang adjustment period, pero nasasanay na 'ko at nae-enjoy ko talaga.Mas masarap pala talagang mag-aral kapag marami kang adventure na pinagdadaanan. Mas nakaka eager lalo na't sinisigawan ka ng ibang pedicab driver ng "Tabi dyan!". Bago ka pumasok sa pamantasan ay ipapamukha talaga sa iyo ang totoong buhay, ang totoong nangyayari sa lipunan, mararaanan mo sa kalsada ang magkakatabing mga motel, ktv bars at iba pa. Sa kabilang kanto ay puro fast food chains, convenient stores at iba pang mga establisyimento, dadaan ka sa iskwater area, sa tabi ng mga riles ng PNR na kinakalawang na't lumang-luma na ang tunog. Maaamoy mo ang halimuyak ng ilog Pasig at makikita ang nagtataasang mga gusali at pabrika sa gilid nito. Haaayyy... pamantasang utak ang puhunan.
          Basehan para masabing prestihiyoso ang isang eskuwelahan? Hindi ito nababatay sa kung gaano kaganda o kahusay ang mga kagamitan. Hindi sa pagkakaroon ng mga matatalinong estudyante, kung gaano kamahal ang matrikula, o kung gaano kasikat o kagaling.Sa pag-aaral hindi dito puro pasarap, kailangan mong maghirap, kailangan mong magtiis at magsumikap. Mas masarap tumanggap ng diploma na alam mong tunay mo itong pinagpawisan. Simple lamang mga kaibigan, tinuturuan ka ng isang prestihiyosong eskuwelahan, na magkaroon ng prestihiyosong isipan…..

Polytechnic University of the Philippines ang ibig sabihin ng PUP, ngunit dahil sa palaging napakahabang pila sa Sintang Paaralan, nagkaroon ng bagong kataga rito ang mga isko at iska! PUP: Pila Ulit Pila!
Halina’t tayo’y kumanta…sa tono ng kanta ng Eraserheads, ang “Ligaya”

Ni: Mary Hanna Laynesa

Ilang pila pa ba ang pipilahin…Oh PUP…
Ilang pila pa ba ang pipilahin…Oh PUP…
Tatlong oras na akong nakapila dito…
Di mo man lang napapansing naiinip na ‘ko…

Ilang laway pa ba ang lululunin…Oh PUP…
Ilang pasensiya pa bang pahahabain…Oh PUP…
Kahit madaling araw pa ko makapagbayad lang…
Wag mo lang paabuting gabi sa pilang ‘to…

[KORUS]
Bakit ba ganito sa PUP walang humpay na pila…
Laging asahan pag nagbayad ka, sa tanghali, sa gabi, at umaga
Wag na sanang magtanong masi-SEEN ka
O magreklamo at tiyak masasabon ka
Lahat tayo’y nayayamot sa napakahaba na…pila

Ilang oras pa ba ang gugugulin, sa pilang ‘to…
Ilang oras ba ang gugugulin sa sideline niyo…
Hindi tuloy ako nakapasok sa ‘sang klase ko…
Ang tagal-tagal naman kasi ng pilang ‘to…

[ULITIN ULIT ANG KORUS]

Laging asahan pag nagbayad ka, sa tanghali, sa gabi, at umaga
Wag na sanang magtanong masi-SEEN ka
O magreklamo at tiyak masasabon ka
Lahat tayo’y nayayamot sa napakahaba na…pila

 

BUHAY ISKO…BUHAY ISKA…

BUHAY PUPian!
Ni: Mary Hanna D. Laynesa, Oktubre 08, 2015



1. TEAM LIKOD- sila ang mga estudyanteng palaging nasa likod nakaupo, sila ang madalas nag-iingay o kung hindi man, dito mo makikita ang mga gumagawa ng kababalaghan at milagro. Dito madalas nangyayari ang kopyahan, tanungan o pasahan ng sagot, yung mga naglalaro, atbp.

2. TEAM HARAP- kung may Team Likod, syempre mayroon ding Team Harap, sila naman ang madalas na mga tahimik, madalas na may heylo sa ulo. Maliban sa dahil nasa harapan nila ang propesor, mababait talaga sila (Weh di nga?). Madalas sila lang ang kausap ng prof.

3. MGA GABINETE NI EL PRESIDENTE- sila ang mga kampon ng pangulo, madalas kasama ng presidente ng klase, madalas na inuutusan, kung hindi kaya sumipsip sapropesor…sumipsip sa pangulo. Tagasulsol na ipa-extend ang deadline ng submission dahil mga kampante na ‘di gumagawa agad dahil malakas naman daw sila.

4. MGA KATIPUNERO/KATIPUNERA- sila naman ang mga aktibista nating kaklase, madalas nasa liban ng klase dahil nasa rebolusyon…biro lang nasa rally, o nasa pagpupulong nila, minsan ‘di ko rin alam.
Mga Anti-Government hindi lang ng bansa, kundi ng pamahalaan sa loob ng unibersidad.


5. GRADE CONSCIOUS: 100% - sila ang mga GC sa puso, sa salita, at sa gawa. Ang nakakatuwa minsan, kapag niyaya mo pumunta sa isang event ng pamantasan kahit para sa libangan lamang, agad na tanong: “May attendance ba ‘yan?”

6. PABEBE GIRLS- sila ang mga pa-sweet at puro ganda, pagdating sa test, NGANGA.

7. PABEBE BOYS- ang mga lalakeng puro porma, puro pa-cute, madalas kasama ang mga Pabebe Girls.

8. KAPISANAN NG MGA ILLUSTRADO- hindi sila nag-aral sa ibang bansa, pero kung umasta, ganon.

9. ANG MGA BURGIS/BOURGEOISIE- sila ang mga may-kaya. Mayayaman sa klase, malalaki ang baon, maraming gadgets, o di kaya Inglisero/Inglisera. Mga sosyal. Pwede ring pa-sosyal.

10. KONSEHO NG MGA WALANG PAKIALAM- group work, meeting, program, event, hindi nila alam?
O wala silang pakialam. Sila ang mga manhid, na hindi tumutulong, kapag kinausap mo parang pader ang kausap mo, parang hindi mo ramdam na kasama sila sa klase dahil nga wala silang pakialam.


Ikaw be? Saan ka kabilang?

Sampung uri ng estudyante sa kolehiyo

Ni: Mary Hanna Laynesa

 

 

Minsan ako’y napadaan
Sa lugar na tila laging umaga
Ang salitang gabi ay wala
Sa kanilang diksyunaryo tila
Ako ay nagtanong
 Sa mamang sa sasakya’y para ng para
“Ser kanina kapa dyan, wala ba kayong masakyan?”
Kanyang sambit ay “Oo, puno ang bawat dyip na dumadaan.”
Nais ko na ring umuwi
Makapagpahinga nang pagod ay mapawi
Ngunit kay hirap sumakay sa dyip
Hahabol, tatakbo’t magluluksong-daliri
Pagkaraan ng isang oras
Hayun nakasakay na
Pasa-pasahan ng bayad
Tulung-tulong sa pag-abot sa drayber
Aandar…maya-maya’y titigil
Upang pasakayin ang gustong humabol
Kanina pa ring naghihintay sa kanto
Titigil muli dahil trapik
Marami ring ibang sasakyang kasabay
Aandar muli at biglang…
liliko’t magpapagasolina muna
Pagkatapos aandar muli
Tuluy-tuloy na ang daloy…
Ako’y tumitingin sa bintana
Maya-maya’y sa loob ng dyip naman
Titigil muli’t ihahatid
Ang ibang pasaherong sa ibang lugar ang uwi
Napapansin kong malapit na rin ang sa akin
Ako’y maghahanda na rin…
at hayun na!
Ako ay papara
Bababa na sa dyip
Salamat naman nakarating din
Diretso pasok ng bahay
Diretso tulog pagdating…

Isang Araw...

Ni: Mary Hanna Laynesa

“HUGOT HENERAL”

Ni: Mary Hanna Laynesa


MGA ISKOLAR ng bayan, na-Artikulo Uno  ka rin ba ni Heneral Luna? Isang de-kalibreng pelikula na sinasalamin ang tunay na sitwasyon ng ating bansa hindi lamang noon, kundi hanggang ngayon. Hindi ba?

Ang pelikulang “Heneral Luna” ni Jerrold Tarog ay idineklara bilang deligado ng Pilipinas sa gaganaping Oscar Academy Awards 2016 sa kategoryang Best Foreign Language Film. Ito ay tungkol sa buhay at pagkamatay ni Heneral Antonio Luna, ang isa sa kinikilalang bayani ng Pilipinas na may malaking naiambag lalo na sa panahon ng digmaan ng Pilipinas at Amerika. Siya rin ang kinikilalang pinaka magaling na pinunong militar sa kasaysayan ng bansa.

At upang higit na maramdaman ang nais ipabatid ng pelikula, narito ang mga diyalogong mula sa Heneral na masasabing tumagos sa puso ng mga nakapanood.

“May mas malaki tayong kalaban sa mga Amerikano –ang ating sarili.”

“Mas magandang mamatay sa digmaan kaysa magpasakop sa dayuhan.”

“Para kayong mga birheng naniniwala sa pag-ibig ng isang puta!”

“Ganito ba talaga ang tadhana natin? Kalaban ang kalaban. Kalaban ng kakampi. Nakakapagod.”

“Malaking trabaho ang ipagkaisa ang bansang watak-watak.”

“Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili? Pumili ka!”

“Mas madali pang pagkasunduan ang langit at lupa kaysa dalawang Pilipino tungkol sa kahit anong bagay.”

“Mas mahalaga ang papel natin sa digmaan kaysa anumang nararamdaman natin sa isa’t-isa.”

“Walang naka-aangat sa batas…kahit pa presidente.”


…at ang pinaka-sikat na kataga…

"Artikulo Uno: Ang sinumang hindi sumunod sa kautusan ay tatanggalan ng ranggo, armas, at ipapapatay na walang paglilitis sa hukumang militar."

© 2015 ANGULO nilikha ng mga magaaral ng unang taon ng peryodismo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas

  • Facebook Clean
  • Twitter Clean
  • Google+ Clean
bottom of page