“HUGOT HENERAL”
-Mary Hanna Laynesa
MGA ISKOLAR ng bayan, na-Artikulo Uno ka rin ba ni Heneral Luna? Isang de-kalibreng pelikula na sinasalamin ang tunay na sitwasyon ng ating bansa hindi lamang noon, kundi hanggang ngayon. Hindi ba?
Ang pelikulang “Heneral Luna” ni Jerrold Tarog ay idineklara bilang deligado ng Pilipinas sa gaganaping Oscar Academy Awards 2016 sa kategoryang Best Foreign Language Film. Ito ay tungkol sa buhay at pagkamatay ni Heneral Antonio Luna, ang isa sa kinikilalang bayani ng Pilipinas na may malaking naiambag lalo na sa panahon ng digmaan ng Pilipinas at Amerika. Siya rin ang kinikilalang pinaka magaling na pinunong militar sa kasaysayan ng bansa.
At upang higit na maramdaman ang nais ipabatid ng pelikula, narito ang mga diyalogong mula sa Heneral na masasabing tumagos sa puso ng mga nakapanood.
“May mas malaki tayong kalaban sa mga Amerikano –ang ating sarili.”
“Mas magandang mamatay sa digmaan kaysa magpasakop sa dayuhan.”
“Para kayong mga birheng naniniwala sa pag-ibig ng isang puta!”
“Ganito ba talaga ang tadhana natin? Kalaban ang kalaban. Kalaban ng kakampi. Nakakapagod.”
“Malaking trabaho ang ipagkaisa ang bansang watak-watak.”
“Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili? Pumili ka!”
“Mas madali pang pagkasunduan ang langit at lupa kaysa dalawang Pilipino tungkol sa kahit anong bagay.”
“Mas mahalaga ang papel natin sa digmaan kaysa anumang nararamdaman natin sa isa’t-isa.”
“Walang naka-aangat sa batas…kahit pa presidente.”
…at ang pinaka-sikat na kataga…
"Artikulo Uno: Ang sinumang hindi sumunod sa kautusan ay tatanggalan ng ranggo, armas, at ipapapatay na walang paglilitis sa hukumang militar."